-- Advertisements --

Iniutos na ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta ang suspensyon ng pasok sa lahat mg mga korte sa National Capital Judicial Region ngayong araw.

Ito ay dahil sa pinsalang idinulot ng Bagyong Ulysses sa maraming lugar at maraming court workers ang nakatira sa mga binahang lugar.

Kasama sa mga suspendido ang pasok ay ang Judicial and Bar Council, Philippine Judicial Academy at Presidential Electoral Tribunal.

Inasatan naman ni Peralta ang mga presiding justice ng Court of Appeals, Sandiganbayan at Court of Tax Appeals at mga executive judge ng mga first at second level courts na alamin ang lawak ng pinsala sa kani-kanilang nasasakupang halls of justice, mga opisina at courtrooms, at kung magagamit pa ang mga ito.

Bukod dito, pinatitiyak ni Peralta sa mga presiding justice at executive justices na ang mga hall of justice, mga opisina at mga korte, kung “functional” pa, na maging malinis at ligtas para sa resumption ng trabaho sa Lunes, Nov. 16.

Pinagsusumite naman ang mga presiding judge at executive judges ng report ukol sa mga natamong pinsala sa mga korte at kahalintulad sa Office of the Chief Justice at may copy furnished sa Office of the Court Administrator bago ang Nov. 20.

Samantala, na-reset ang training seminar para sa 2019 amendments to the rules on civil procedure and evidence, na dapat ay idaraos mula Nov. 12 hanggang 13.

Iaanunsyo na lamang ng Korte Suprema ang bagong petsa para rito.

Para naman sa mga korte sa labas ng National Capital Judicial Region, ang pagpapasya sa suspensyon ng pasok ay nasa diskresyon na ng executive judges.