-- Advertisements --

Dapat umanong kasuhan ang konsehal ng Pasay City na nakuhanan ng video habang pinapagalitan ang mga health care workers na nagsagawa ng COVID-19 test sa munisipyo kamakailan.

Ito ang pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Eduardo Año laban sa labis na paninigaw at pagmumura ni Councilor Moti Arceo.

Sa isang panayam sinabi ng kalihim na dapat ay inintindi, imbis na sinigawan at minura ng opisyal ang mga medical technologists na nagsagawa ng test sa session hall ng munisipyo.

Sa nag-viral na video, ikinagalit ni Arceo ang aktibidad ng testing dahil wala raw konsultasyon at paalam ang City Health Office sa pinuwestuhan nito.

Dumepensa naman ang konsehal at sinabing wala siyang minurang health care worker sa video.

Una nang kinondena ng Philippine Association of Medical Technologists ang inasal ng Pasay City official.

Sa ngayon ipinauubaya na raw ng DILG kay Mayor Emi Calixto ang imbestigasyon laban sa konsehal.

Posible raw na masuspinde o matanggal sa serbisyo si Arceo, ayon kay Sec. Año.