-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Pinayuhan ng Pasang Masda ang publiko na huwag basta bastang maniniwala sa mga kumakalat na maling balita patungkol sa Public Utility Vehicles (PUV) modernization program ng gobyerno.

Ito ang inihayag ni Roberto “Ka Obet” Martin, ang National President ng naturang grupo kaugnay sa mga maling impormasyong ipinapakalat ng ilang mga transport leaders.

Pinabulaanan nito ang maling impormasyon na kung hindi makapag-consolidate ang isang individual operator ay mape-phase out ang kanilang traditional jeepney.

Pinagko-consolidate lamang aniya ang hanay ng transportasyon para sa mas maayos na kalakaran dahil makatutulong naman ito sa sektor na kanilang ginagalawan.

Giit pa ni Martin na kung hindi nauunawaan ng ilang grupo ang modernization program ay sumangguni sila sa mga regional offices ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Pagpapaliwanag din nito na sa ilalim ng consolidation, sa tuwing magkakaroon ng problema sa kagawaran ng transportasyon ay ang Chairman o ang Presidente na lamang ng bawat kooperatiba at korporasyon ang kakausapin.

Nilinaw din nito na ang mga nakapag-consolidate ay hindi naman pinupwersang mag-modernisa ng kanilang mga sasakyan kundi dadaan pa lamang sa ilang konsultasyon tungo sa pagmomodernisa ng mga pampublikong sasakyan.

Hindi naman aniya sapilitan ito dahil wala namang magaganap na phase out.

Ngunit ang mangyayari lamang, ang mga hindi makakapag-consolidate ay hindi mabibigyan ng prangkisa sa susunod na taon na nangangahulugan na sila ay maituturing ng kolorum.