Nagbabala ngayon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko laban pa rin sa tinatawag na “pasalo” sa auto loan dahil na rin sa mga carnapping syndicates.
Sa isang advisory, sinabi ng central bank na nag-isyu na ito ng memo noong Agosto 26 para sa BSP-Supervised Financial Institutions (BSFIs) dahil sa organisadong modus sa pamamagitan ng auto loans.
Target umano ng assume balance o pasalo scheme na mas kilalang Pasalo-Benta Scheme ang mga vulnerable car buyers na nais makapagtipid ng kanilang pera.
Sa naturang modus, ang isang miyembro ng sindikato ay bibili ng sasakyan sa isang seller na at pagkakasunduan ng mga itong bayaran ang naturang sasakyang sa pamamagitan ng assume balance.
Pero lumalabas na wala raw intensiyon ang sindikato na bayaran ang natitirang amortizations at ibebenta ang sasakyan sa isang buyer sa mas murang halaga gamit ang pekeng mga dokumento.
Bilang resulta, dahil bigong magbayad ang original seller ay mare-repossessed o hihilain ang sasakyan kaya naman ang end-buyer ang kawawa rito.
Dahil sa modus, inatasan na ng BSP ang BSFIs na umalalay sa pagsasagawa ng customer identification at verification procedures bilang bahagi ng customer due diligence para maiwasang mabiktima ang mga gustong bumili ng sasakyan.