-- Advertisements --
image 361

Mas mataas na pasahe ang aasahan ng mga pasahero sa eroplano sa susunod buwan kasabay ng pagtaas ng fuel surcharge level sa gitna ng tumataas na presyo ng jet fuel.

Sa inilabas na advisory, sinabi ng Civil Aeronautics Board (CAB) na ang passenger at cargo fuel surcharge para sa domestic at international flights ay itinakda sa Level 6 para sa period mula Setyembre 1 hanggang 30.

Ito ay itinaas mula sa kasalukuyang Level 4 na hindi pa napapalitan sa loob ng tatlong buwan simula noong Hunyo kung saan nagbabayad ng fuel surcharge na P117 hanggang P342 para sa domestic flights.

Sa ilalim naman ng Level 6, ang fuel surcharge para sa domestic passenger flights ay papalo mula sa P185 hanggang P665 depende sa distansiya habang para sa international passenger flights naman na magmumula sa Pilipinas, ang fuel surcharge ay pumapalo mula sa P610.37 hanggang P4,538.40.

Ang fuel surcharge ay isang optional fee maliban pa sa base fare na ipinapataw ng mga airlines sa pasahero para mabawi ang halaga na kanilang nagastos para sa jet fuel.

Sa kabila ng pagtaas ng fuel surcharge, nangako naman ang ilang airline company ng patuloy na pagbibigay ng abot kaya at accessible na air travel para sa mga pasahero sa pamamagitan ng kanilang seat sales.