Hindi muna itinuloy ng 54-member Party-list Coalition sa Kamara ang kanilang botohan sa kung sinong speaker-aspirant ang susuportahan hanggang sa hindi pa inananunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang napili nito.
Sa isang panayam, muling binigyan diin ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin na iisa ang magiging boto ng Party-list Coalition para sa Speakership post.
Nabatid na dapat boboto ang bloc noong Miyerkules ng gabi sa kanilang meeting, pero sinabi ni Garbin na hindi ito natuloy matapos sabihin ni Pangulong Duterte sa isang dinner meeting kasama ang mga neophyte congressmen na ianunsyo niya ang kanyang napili para sa Speakership post sa darating na Hunyo 28.
Paliwanag ni Garbin, ang desisyon na i-postpone ang botohan para sa kanilang pipiliing Speaker ay sentimiyento ng lahat ng miyembro ng Party-list Coalition na dumalo sa pagpupulong.
Iginiit ng kongresista na may factor sa kanilang bobotohing Speaker ang mapipili ni Pangulong Duterte.
Pero sa kabila nito, sinabi ni Garbin, hindi pa rin naman daw ito “absolute.”
Ibig sabihin lamang, hindi naman otomatikong pipiliin din nila para suportahan ang iendorso ng Punong Ehekutibo.