Umaapela ng pag-unawa sa publiko si Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal sa gitna ng mga flight cancelations kasunod ng phreatic explosion ng Taal Volcano kahapon.
Iginiit ni Monreal na ginagawa lamang nila ito bilang konsiderasyon na rin sa kaligtasan ng mga pasahero.
Delikado kasi aniya sa oras na makapasok sa makina ng eroplano ang abo na binubuga ng Taal.
Ayon pa sa MIAA general manager, iniiwasan lamang nila na lumala pa ang problema kaya katuwang ang mga airline companies ay minabuti nilang kanselahin ang mga flight papasok at palabas ng Manila.
Gayunman, magpupulong ang MIAA at mga airline companies ngayong araw para pag-usapan ang posibilidad ng partial operations.
Sa oras na magkaroon ng partial operations ulit sa mga terminals ng Ninoy Aquino International Airport, sinabi ni Monreal na una nilang papayagang makabiyahe ang mga palabas ng Metro Manila.
Ito ay para na rin gawing libre ang parking space na inokupa ng mga eroplanong hindi pinayagan na makabiyahe kagabi para na rin ma-accomodate naman ang mga flight papasok ng Metro Manila.