Hawak na ngayon ng Wildlife Monitoring Unit ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga bearded dragon at Tegu Lizards na nasabat ng Bureau of Customs (BoC) Port of NAIA.
Idineklarang children’s toys ang parcel na naglalaman ng 22 Bearded Dragons at anim na Argentine Black at White Lizards mula sa Samutprakarn, Thailand na nagkakahalaga ng P210,000.
Nasabat ito sa BOC NAIA Central Mail Exchange Center (CMEC), Pasay City.
Ipinadala ang naturang parcel ni ‘Anuphop Wilit’ at ipinadala sa ilang indibidwal na may address na Paranaque City.
Dahil naman sa pagiging mapagmatyag ng Customs-NAIA personnel ay agad isinailalim sa x-ray at 100 percent physical examination ang naturang kargamento.
Dito na tumambad ang mga bearded dragons at Tegus.
Agad isinalang seizure at forfeiture proceedings ang kontrabando dahil sa paglabag sa Section 1113 ng RA 10863 Customs Modernization and Tariff Act at RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.