-- Advertisements --

Tiniyak ng Public Attorney’s Office (PAO) sa lahat ng organizers ng mga community pantries na handa itong magbigay ng libreng legal assistance sakaling makaranas sila ng red-tagging at harassment mula sa pulis.

Sinabi ni PAO Chief Persida Acosta na hindi dapat mag-alala ang mga ito dahil kung may manghuhuli raw sa mga ito dahil lang sa pamimigay ng pagkain ay handang umagapay ang PAO.

Binigyang-diin ni Acosta na ang mga community pantries na ito ay parte ng kulturang Pilipino na “bayanihan” o pagtutulungan ng bawat isa.

Umapela na rin si Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga law government agencies na pabayaan ang mga indibidwal na nag-oorganisa ng mga community pantries sa bansa.

Samantala, kinondena naman ng Commission on Human Rights (CHR) ang nararanasang red-tagging at harassment ng ilang organizaers.

Magugunita na hinikayat ng Maginhawa Community Pantry sa Quezon City ang publiko na magsagawa rin ng kanilang sariling community pantries kung saan maaaring mag-donate at mamahagi ng pagkain sa mga nangangailangan.

Sa naging FDacebook post ng oganizaer ng Maginhawa Community Pantry na si Patricia Non ay ibinahagi nito na ilan daw sa mga volunteers ang pinilit na itigil ang pamamahagi ng mga tulong at pagtanggap ng mga donasyon makaraang madawit sila sa red-tagging.

Pinayuhan naman ni Acosta si Non na huwag itigil ang kanilang operasyon.

Karapat-dapat aniyang proteksyunan ang mga ito dahil may mabuti silang puso na tumulong sa mga nagugutom at walang makain ngayon dulot ng coronavirus pandemic.

Buo rin daw ang suporta ni Acosta sa mga community pantries at hinikayat pa nito ang publiko na tumulong o gayahin ang parehong aktibidad, subalit tungkulin pa rin umano ng mga otoridad na bisitahin ang mg acommunity pantries na ito para siguruhin na nasusunod ang mga minimum health protocols.