Nagpadala na ng sulat ang Public Attorney’s Office (PAO) sa Malacañang na humihiling na i-veto ng Pangulong Rodrigo Duterte ang isiningit na special provision sa General Appropriations Act (GAA) 2021 na nagbabawal sa PAO na gamitin nito ang kanilang personnel services at maintainance and operating and other expenses sa PAO forensic laboratory at ang anim na doctor na naka plantilla dito.
Nakasaad sa anim na pahinang apela kay Pangulong Duterte ng PAO na pirmado nina PAO Chief Persida Acosta at iba pang opisyal ng PAO na ang naturang special provision sa GAA 2021 ay unconstitutional, vindictive, arbitrary, oppressive at taliwas sa itinatakda ng batas at isang unethical machinations.
Paliwanag pa ni PAO Chief Acosta na bilang chief executive ng PAO ay tiniyak nitong maipapaabot sa mga milyon-milyong indigent na Pilipino na mga kliyente ng PAO ang tama at nararapat na hustisya kaagapay ang kaalaman ng kanilang forensic laboratory division.
Una nang umalma si Acosta sa pahayag ni Sen. Franklin Drilon na ang PAO Forensic Laboratory ay duplication ng PNP-Scene of the Crime Operatives (SOCO) at ng National Bureau of Investigation (NBI) Forensic Laboratory
Iginiit ni Atty. Acosta na hindi duplication ang kanilang Forensic Lab dahil ang PAO ang naatasan ng gobyerno at ng Department of Justice (DoJ) na mag-imbestiga at tumulong sa pamilya ng mga batang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia vaccine.