-- Advertisements --

Hinimok ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Commission on Elections (Comelec) na mag-isyu ng guidelines sa aktibidad ng mga kanidadto bago ang pormal na pagsisimula ng campaign period sa buwan ng Pebrero sa susunod na taon.

Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, kasunod na rin ito ng pagbuhos ng mga supporters ni presidential aspirant Bongbong Marcos at running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte sa isinagawang caravan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Miyerkules.

Maliban kasi sa traffic congestion hindi na naobserbahan sa caravan ang health protocols gaya ng physical distancing.

Dahil dito, nais daw malaman ngayon ng DILG kung saan ang mga lugar na puwede at hindi puwedeng magsagawa ng mga pre-campaign activities.

Ang naturang isyu ay tatalakayin din daw ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) at Comelec para maiwasan ang kaparehong “super spreader” events lalo na’t mayroon na namang bagong banta ng covid, ang Omicron variant.

Dagdag ni Año sa ngayon ang magagawa lamang daw ng PNP at local government units (LGUs) ay ang ipatupad ang minimum public health standards.

Una rito, sinabi ng Quezon City government na hindi raw nakipag-ugnayan ang mga organizers ng caravan sa mga local authorities.

Pero agad namang humingi ng paumanhin ang kampo ng dating senador at ang alkalde sa Davao City dahil sa perwisyong dulot ng caravan sa mga motorista.