-- Advertisements --

Isinusulong ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na mailibre na sa lahat ng “duties and taxes” ang libo-libong balikbayan boxes ng Overseas Filipino Workers o OFWs at iba pang mga Pilipino na nasa abroad.

Dahil dito, inihain ni Rodriguez ang House Bill No. 6752, kung saan maliban sa “tax exemption” para sa balikbayan boxes ay isinusulong din na obligahin ang Bureau of Customs o BOC na gumamit ng “non-intrusive” na mga paraan para sa pag-inspeksyon ng mga dumarating na balikbayan boxes.

Sinabi ni Rodriguez, aabot sa “average” na 400,000 balikbayan boxes kada buwan ang nagmumula sa OFWs at mga Pinoy sa iba’t ibang mga bansa at ipinadadala sa kani-kanilang mga pamilya o mahal sa buhay sa Pilipinas.

Binigyang-diin ng beteranong mambabatas na ang mga balikbayan box na ito ay patunay ng sakripisyo at sipag ng mga Pinoy sa ibang bansa, para matiyak ang maayos na kinabukasan at pamumuhay, at maiparamdam ang pagmamahal para kanilang mga kaanak.

Kapag naging ganap na batas ang panukala, ang balikbayan boxes, anuman ang “value” ng laman nito ay libre sa buwis na ipinapataw base sa National Internal Revenue Code and the Customs and Tariff Code.

Sa kasalukuyan, nasa P150,000 ang value limit, batay sa patakaran ng BOC.

Habang mahigpit namang ipatutupad ang “no-opening-of-packages policy” kung saan gagamit na lamang ng teknolohiya gaya ng x-ray o kaya’y paggamit sa sniffer dogs para mainspeksyon ang mga kahon.