VIGAN CITY – Tiniyak ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA) na pag-aaralan nila ang kahilingan ng mga mambabatas na taasan ang pinansyal na ayuda para sa mga hog raisers na naapektuhan ang kabuhayan mula sa outbreak ng African swine fever (ASF) virus.
Sa mensaheng ipinadala ni Agriculture Secretary William Dar sa Bombo Radyo Vigan, sinabi nito na kailangan munang pag-aralan ang nasabing panukala lalo pa’t limitado lamang ang inaprubahang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para sa mga ayudang ibibigay sa mga magbababoy na kinolekta at idinaan sa culling operation ang kanilang mga alagang baboy na sakop ng 1-7-10 protocol ng ahensya.
Nito lamang nakaraan ay inatasan na ng DA ang National African Swine Fever Task Force na ipamahagi na ang P1 bilyon na indemnification fund sa mga apektadong magbababoy.
Sa naturang pondo, P3,500 ang ibibigay ng ahensya sa mga magbababoy sa bawat alagang-baboy na idadaan sa culling operation.
Aminado ang kalihim na hindi ito sapat dahil mahal ang gastusin para sa pagpapalaki ng baboy ngunit wala silang magagawa kung limitado lamang ang ayudang kanilang ibinibigay.
Kung maaalala, hiniling ni House Committee on Agriculture and Food Chairman- Quezon Representative Wilfredo Mark Enverga na mula sa nabanggit na halaga ay gawing P8,000 ang indemnification fund na ibibigay sa mga apektadong hog raisers upang hindi sila masyadong malugi.