Binatikos ni ACT Teachers Representative France Castro ang Department of Budget Management (DBM) hinggil sa panukalang rightsizing government bureaucracy para makalikom ng pondo kasunod ng nararanasang krisis sa ekonomiya ng bansa.
Ayon sa teacher solon ang planong rightsizing sa mga ahensiya ng gobyerno ay magkakaroon umano ng negatibong epekto na magresulta sa massive layoffs, retrenchment, displacement, at lalong magpapalala sa contractualization.
Paliwanag ni Cong. Castro, walang katotohanan na ang pag-rightsize sa burukrasya ng gobyerno ay ‘hindi makakaapekto’ sa mga guro at manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan dahil mapipilitan silang balikatin ang mga gawain ng mga education support personnel at support staff ng health facilities.
Paliwanag pa ng mambabatas na sa pamamagitan ng nasabing panukala, ang mga ahensya ng gobyerno ay kukuha ng mas maraming mga tauhan sa mga contract of services (COS) at job orders (JO) na hindi maituturing na mga empleyado ng gobyerno at hindi babayaran ng mga suweldo at walang job security.
Batay sa inventory ng Government Human Resources, nuong August 31,2021 na mayroong 582,378 job order personnel mula sa 2,337,802 na empleyado ng gobyerno. Kabilang sa mga nangungunang ahensyang may pinakamaraming JO at COS ay ang DPWH, DOH, DepEd, DENR at DSWD.
Binigyang-diin ni Castro na batid ng Department of Budget and Management na ang panukalang ito ay makakaapekto sa 2 milyong empleyado ng gobyerno. Nais kasi ng ahensya na makatipid ng P14 bilyon kapalit ng mga trabaho at security of tenure ng 2 milyong Pilipino na maaapektuhan ng nasabing panukala.
Inihayag ng mambabatas kung kailangan ng pera ng gobyerno, singilina nila ang P203 billion na utang ng pamilya Marcos sa sambayanan.
Paghuyasin ang koleksyon ng buwis at habulin ang mga ‘di nagbabayad.
Maari ring isabatas ang wealth tax para sa mga super na mayayaman na makatulong ng mas malaki sa kaban ng bayan.
Dagdag pa ni Castro na hindi dapat hayaan na lumobo pa ang bilang ng walang trabaho lalo na ngayong panahon na sobra-sobra ang hirap ng mga Pilipino dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.