Lusot na sa komite ang panukalang patawan ng “excise tax” ang mga plastic bag.
Sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means, inaprubahan ang substitute bill ng House Bill 220 at 1811.
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng P20.00 excise tax ang kada kilo ng plastic bag.
Dahil dito asahan na mahihimok ang mga consumer na umiwas sa plastic at gumamit na lamang ng environment-friendly na mga eco-bags.
Habang dagdag-revenue ang excise tax para sa gobyerno, lalo na para sa mga programa gaya ng pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management.
Layon din ng panukala na maprotektahan ang kalikasan mula sa paggamit ng plastic bags, na kinukunsiderang “major pollutant” at nakaka-apekto rin sa kalikasan at “climate change.”
Nagpaabot naman ng suporta sa panukala ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, gaya ng Department of Finance, Bureau of Internal Revenue, Bureau of Customs at Department of Trade and Industry.
Ayon naman kay Environment Sec. Antonio Yulo-Loyzaga, kinakatigan ng kanilang kagawaran ang panukala pero siya ay aminado na mayroon itong “social, economic at environmental dimensions.”
Habang ang Philippine Plastics Industry Association Inc (PPIA) naman ay kontra sa panukala dahil direktang masasaktan nito ang industriya.