Muling naungkat sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Basic Education ang ilang mga panukala na magpapalawig sa batas na magbibigay ng “voucher assistance” sa mga underprivileged students na nag-aaral sa mga pribadong eskwelahan.
Matapos ang halos kalahating oras na pagtalakay ng komite sa pamumuno ni Pasig Representative Roman Romulo ay bumuo ng technical working group (TWG) para plantasahin ang nasabing panukala.
Ang Republic Act No. 8545, o ang Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act (E-GASTPE), ay nagbibigay ng tulong para sa tuition fee ng mga estudyante na nasa junior and senior high schools na naka enroll sa mga private schools.
Tatlong mambabatas ang ang naghain ng panukala para amyendahan ang umiiral na batas, ito ay sina Rep. Romulo, Laguna 2nd District Representative Ruth Mariano-Hernandez, at Kabayan Representative Ron Salo.
Kabilang sa mga iminungkahing pag amyenda sa substitute bill ang subsidy grant para sa mga mag-aaral sa kindergarten at elementarya na kabilang sa low- and middle-income families na itinakda ng Philippine Statistics Authority, gayundin ang mga probisyon ng subsidy para sa mga pribadong guro sa elementarya.
Malugod naman tinanggap ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) ang panukalang pagpapalawak ng E-GASTPE habang nag-aalok ng mga rekomendasyon para palakasin pa ang substitute bill.
Ayon naman kay DepEd Assistant Secretary Omar Romero na kanilang nirerekumenda ang pag-alis sa nasabing provision dahil mayruon ng dedicated unit ang DepEd Central Office na humahawak voucher program.
Kinukunsidera na rin ngayon ng DepEd ang posibilidad na sila na ang mag manage sa implementasyon ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act o E-GASTPE.