-- Advertisements --

Lusot na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang “substitute bill” ang panukalang nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections na nakatakda idaraos sa Dec. 5, 2022 sa botong 11-pabor at 0 ang tutol.

Sa ngayon ang nasabing substitute bill ay wala pang numero at “subject to style,” habang aprubado na rin ang committee report.

Ayon kay Rep Dalog Jr, ang Committee Chairman na sa halip na gawin sa Dec. 5, 2022 ang halalang pambarangay at SK, idaraos na lamang ito sa unang Lunes ng Dec. 2023. Ang mga mananalo rito ay pormal na uupo sa pwesto sa Jan. 1, 2024.

Sinabi ni Dalog na matapos nito ay magkakaroon naman ng Barangay at SK Elections, kada tatlong taon, batay pa rin sa panukala.

Para sa mga incumbent o kasalukuyang opisyal ng mga barangay at SK, iiral ang “hold-over capacity” o mananatili muna sila hanggang sa makapaghalal na ng mga bago.

Nauna nang inihain ang halos 40 House Bills sa Kamara para isulong ang postponement ng eleksyon ngayong taon, at sa halip ay ilapat ng petsa.

Karamihan sa mga may-akda ay nagsabing gamitin na lamang muna ang pondo para sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Pero ayon sa Commission on Elections o Comelec, kapag inilipat pa ang petsa ng Barangay at SK Elections ay dagdag-gastos pa ito.

Inihayag ni Rep. Dalog na isasalang ang panukala sa House Appropriations Committee para sa pag-lalaan ng budget bago ito tuluyang mai-akyat sa plenaryo ng Kamara.