Isinusulong ngayon sa Kamara ang House Bill 3194 ang panukalang maisabatas ang programang pabahay para sa government nurses sa Pilipinas.
Ang nasabing panukala ay inihain ni Pinuno Party List Rep. Howard Guinto.
Batay sa explanatory note ng “Nurses Housing Program” ang nasabing programang pabahay para sa mga nurse ay maaaring isa sa mga paraan upang mahimok sila na manatili na lamang sa bansa.
Sinabi ni Guinto, mahalaga ang papel ng mga nurse dahil hindi lamang sila nagta-trabaho sa mga ospital o klinika, kundi pati sa mga opisina, paaralan, home health care, senior living facilities at iba pa, at nagsusulong pa ng “health and wellness” para sa ating mga kababayan.
Kapag naging ganap na batas, masasakop ng Nurses Housing Program ang mga nurse ng Department of Health o DOH na may permanenteng posisyon, at silang uubrang kumuha ng housing loans na mayroong abot-kayang interest rates at long-term repayment period.
Ang National Housing Authority (NHA) National Home Mortgage Finance Corporation, Home Guaranty Corporation at Government Service Insurance System o GSIS ay magkakaroon ng kani-kanilang mandato para sa implementasyon ng batas at matustusan ang programa.
Pinatitiyak naman sa panukala ang tamang koleksyon ng “amortization payments” sa housing loan sa pamamagitan ng salary deduction scheme.