Inaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang substitute bill na layung maisulong ang transition ng gobyerno patungo sa e-governance upang makasabay sa makabagong panahon o digital age.
Ayon kay Committee chairman Ako Bicol Party List Representative Elizaldy Co, nakasaad din sa proposed measure ang pagtatatag ng Philippine Infostructure Management Corporation (PIMC) na magpapahusay sa serbisyong ibinibigay ng pamahalaan sa pamamagitan ng interoperability at pag-maximize sa mga resources ng gobyerno.
Sinabi ni Co, isa ang panukalang batas na ito sa priority bill ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na inakda nina House Speaker Martin Romualdez, TINGOG Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez, at Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos.
Layon ng panukala na isulong ang paggamit ng Information and Communication Technology (ICT) sa pagbabago ng mga proseso, operasyon, at paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan na mas nakasentro sa mamamayan, interconnectivity, at transparency.
Saklaw nito ang lahat ng executive, legislative, at judicial offices, kabilang na ang mga local government units, state universities and colleges, government-owned and controlled corporations, pati na ang iba pang kinauukulang ahensya na nagbibigay ng mga serbisyong may kaugnayan sa pagnenegosyo at non-business related transactions.
Naniniwala si Co na mabisang hakbang ang pagpasa ng panukala tungo sa digital transformation ng bansa, na magbibigay-daan sa pamahalaan para makapagbigay ng mabilis, transparent, at mahusay na serbisyo sa publiko.
Una nang Binigyang-diin ni Pang. Bongbong Marcos na dapat nang samantalahin ang mga bagong teknolohiya at mga pamamaraan upang maibigay sa mamamayang Pilipino ang pinakamahusay na serbisyong nararapat sa kanila, kayat mahalaga aniya na makasabay ang Phil govt sa fast-changing development ng bawat bansa sa mundo.
Samantala, nagpahayag naman ng kanyang buong suporta si Department of Information and Communications Technology o DICT Secretary Ivan John Uy para sa agarang pagpasa sa isinusulong na panukalang batas.