-- Advertisements --

Pinapabuwag ni House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. ang National Telecommunications Commission (NTC) dahil sa “useless” o walang kuwenta naman aniya ang ahensyang ito.

Sa kanyang inihaing House Bill 6701, iminungkahi ni Abante na amiyendahan ang RA 7925 o ang Public Telecommunications Policy Act, sa pamamagitan nang pagbuwag sa NTC at ilipat ang kapangyarihan at mandato nito sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Lahat ng assets, kabilang na ang existing appropriation at perang nakalaan sa NTC ay ililipat DICT, at maari ring ipag-utos ng department secretary ang pagbenta sa mga ari-arian na ito sa pamamagitan ng public bidding, negotiated sale, lease at iba pa.

Ayon kay Abante, matagal na niyang pinag-iisipan ang kanyang rekomendasyon na ipabuwag ang NTC dahil sa wala naman aniya itong kuwenta.

“Our NTC, supposedly in charge of regulating and promoting the telecommunications industry has turned out to be one of the most inept and useless agencies whose only relevance lies in being another model for sheer wastage of taxpayer money,” ani Abante.

“Its failure all these years to invoke sanctions against the companies poorly serving the people’s telecommunications needs is a perfect reason to abolish it already,” dagdag pa nito.

Inihain ni Abante ang panukala niyang ito kahapon, Mayo 6, isang araw matapos na maglabas ng cease and desist order ang NTC kontra ABS-CBN.

Ayon kay Abante, sampal sa mukha ng Kongreso ang naging hakbang ng NTC lalo pa at sumulat naman sila sa ahensya, at nagpasa pa ng isang resolusyon, para sa pagbibigay ng provisional authority sa ABS-CBN.