Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1629 o ang Multi-Faith Prayer and Quiet Rooms Act, na naglalayong isulong ang inklusibong lugar para sa iba’t ibang pananampalataya sa mga pampublikong lugar.
Ang panukalang batas ay inakda ni Sen. Mark Villar, na nag-aatas sa pagtatayo ng mga multi-faith prayer at quiet rooms sa mga tanggapan ng gobyerno at piling pampublikong establisyemento sa buong bansa.
Ayon kay Villar, isa itong mahalagang hakbang upang kilalanin at igalang ang iba’t ibang espiritwal na pangangailangan ng mga Pilipino. Aniya, napapanahon din ang pagpasa nito lalo na sa panahon ng Ramadan, kung kailan mas pinaigting ang panalangin at debosyon ng mga Muslim.
Sa mga deliberasyon, pinalawak ang orihinal na layunin ng panukala na nakatuon lamang sana sa Muslim prayer spaces upang maging bukas sa lahat ng relihiyon. Pinangunahan ito ni Senate Committee on Muslim Affairs Chair Robin Padilla.
Sa ilalim pa ng panukala, itatatag ang mga prayer at quiet rooms sa mga lugar tulad ng mga tanggapan ng gobyerno, paliparan, ospital, at pantalan. Ang mga ito ay magsisilbing neutral space para sa panalangin, meditation, pagninilay, at hindi papabor sa anumang partikular na relihiyon. Maaari ring maglagay ng mga pasilidad tulad ng ablution areas kung kinakailangan.
Ayon sa mga mambabatas, makatutulong ang panukala sa pagpapalakas ng paggalang at pagkakaunawaan sa pagitan ng iba’t ibang relihiyosong komunidad sa bansa.











