-- Advertisements --

Muling isinusulong ngayon ng dalawang mambabatas na ipagpaliban ang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Batay sa inihaing House Bill 4231 ni Lanao del Norte 2nd District Representative Sittie Aminah Dimaporo, hiniling nito na gawin ang halalan sa 2028.

Habang sa House Bill 4220 ni Lanao del Norte 1st District Representative Khalid Dimaporo, nais nito na isagawa ang halalan sa 2031.

Layon ng mga panukala na bigyan ng dagdag pang panahon ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa paggawa ng mga kinakailangang polisiya at matupad ang mga pangako nito sa Bangsamoro People.

Nakatakda sana ngayong taon idaraos ang halalan sa BARMM, subalit batay sa bisa ng Republic Act 11593 na nilagdaan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021, ay ipinagpaliban ang BARMM elections sa 2025.

Kasalukuyan namang nakabinbin sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang dalawang panukalang batas.