-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR).

Sa botong 241 affirmative, 7 negative at isang abstention, inaprubahan ng Kamara ang House Bill No. 5989, o ang Disaster Resilience Act, na isa sa mga priority measures ng Kongreso.

Umaapela ngayon sa Senado sina Tingog party-list Rep. Yedda Marie K. Romualdez at House Majority Leader and Leyte Rep. Martin Romualdez, mga pangunahing may-akda ng panukala, na madaliin ang pag-apruba sa panukalang magtatatag ng DDR.

Sa isang statement, sinabi naman ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, isa rin sa mga pangunahing may-akda ng panukala, na ang pagtatag ng DDR ay matitiyak ang maagap at epektibong pagresponde ng bansa sa mga kalamidad at iba pang emergencies.

Sa oras na maging ganap na batas, ang DDR ang magsisilbing national agency na siyang mangunguna sa disaster preparedness, rehabilitation, rescue, response, recovery at reconstruction tuwing may kalamidad.

Mapapasailalim ng DDR ang Office of Civil Defense (OCD) bilang pangunahing organisasyon gayundin ang Climate Change Commission Office, Health Emergency Management Bureau ng Department of Health (DOH), at Disaster Response Assistance and the Disaster Response Management Bureau ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

Itatatag din sa ilalim ng panukala ang iba pang sangay ng ahensya tulad ng National Disaster Operations Center (NDOC), Alternative Command Center (ACC) at Disaster Resilience Research and Training Institute (DRRTI).