Magkatuwang na inaprubahan ng House Committees on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education ang panukalang batas na naglalayong palakasin ang senior high school program at tiyakin na ang mga pipili ng Technical-Vocational-Livelihood track ay makakapagtrabaho kapag sila ay nagtapos.
Sa isinagawang house joint committee hearing inaprubahan ng mga komite ang House Bill number 652 at 996, na naglalayong magtatag ng isang espesyal na mataas na paaralan na tatawaging National Academy for Technical and Vocational Skills (NATVS).
Sa ilalim ng panukala, sinabi ni Pasig City Rep. Roman Romulo, na siyang may-akda ng HB 996 at chairperson ng Basic Education committee, na ang mga ahensya ng gobyerno ay makikipagtulungan sa mga local chambers of commerce, manufacturing companies, economic zones at locators, at iba pang stakeholder ng pribadong sektor sa negosyo at industriya upang makapagbigay ng kagamitan, pasilidad, iskolarsip, mentoring, pagsasanay, gayundin mga trabaho para sa mga nagtapos na estudyante ng NATVS.
Sinabi ni Romulo na isa sa mga layunin ng K-12 law ay palawakin ang layunin ng high school education at magbigay ng vocational at technical career opportunities.
Sa kabilang dako sa panig naman ng Coordinating Council of Private Educational Association (COCOPEA) ipinunto ng kanilang tagapagsalita na si Atty Joseph Noel Estrada kung paano ang magiging role ng TESDA sakaling matuloy ang pagtatag ng National Academy for Technical and Vocational Skills.
Samantala, isang panukalang batas na naglalayong i-atas ang pagtuturo ng komprehensibong kasaysayan ng bansa ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay inaprubahan na rin ng House panel.
Sa pagdinig ng House committee on higher and technical education, dalawang panukalang batas — House Bill (HB) No. 933 mula kay Pasig Rep. Roman Romulo at HB No. 4157 mula sa Northern Samar 2nd District Rep. Harris Christopher Ongchuan — ang pinagsama at naaprubahan. Ayon kay Romulo, ang panukalang batas ay naglalayong bigyan ang mga kabataan ng isang sulyap sa mga papel ng mga bayaning Pilipino sa World War II, dahil ang kasalukuyang kurikulum ay walang sapat na mga bagay na nakatuon sa paksa.
Kung maisasabatas ang bersyon ni Romulo, hindi bababa sa 50 porsyento ng mga talakayan sa Kasaysayan ng Pilipinas ang ilalaan sa mga paksa ng World War II sa konteksto ng Pilipinas.
Kung matagumpay na makagawa ang komite ng Kamara ng pinag-isang panukalang batas, ipapadala ito sa buong Kamara para sa debate para maipasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa.