Isinusulong ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda ang panukalang batas na magpapalawak sa telemedicine at electronic health industry sa bansa.
Sinabi ni Salceda na ang layon ng inihain niyang House Bill No. 7422 o ang Philippine E-Health and Telemedicine Act of 2020 na makapagbigay ng mas marami pang serbisyo sa mga itinuturing na “underserved communities”.
Inihalimbawa pa nito ang kasalukuyang sitwasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic kung saan napapabayaan na ang ibang mga sakit sa maraming ospital.
Ayon kay Salceda, malaking tulong ang remote medicine services para tuloy-tuloy ang paghahatid ng healthcare services.
“Remote medicine services are essential, especially in the time of COVID-19. We’ve set aside medical services for other diseases because COVID-19 has overtaken all other health priorities. But many of these diseases we are neglecting are deadlier and more debilitating than the virus. So, we need alternatives to our traditional modes of healthcare delivery,” ani Salceda.
Sa ilalim ng kanyang panukala, magkakaroon na ng regulatory framework para sa telemedicine at electronic health systems.
Sa ganitong paraan, naniniwala si Salceda na mababawasan ang fraud sa PhilHealth dahil magkakaroon na ng electronic record para sa “telehealth system”.
“We have many cellphone users, and we have a strong BPO sector. Our health care system is weak. The path seems obvious to me: let’s use our strengths to improve our weaknesses,” ani Salceda.
Kapag maging ganap na batas, makakapagpa-check up ang isang indibidwal sa murang halaga.
Hindi na rin kinakailangang personal na pumunta sa mga klinika o pagamutan ngayong mataas ang panganib ng pandemya.