-- Advertisements --

Target sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong higpitan ang pagbebenta ng mga tabloids na naglalaman ng mga mahahalay na larawan at kuwento.

Sa House Bill 4733 o National Restriction on Tabloids Act na inihain ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo, tanging mga may edad na 18-anyos pataas ang maaaring pagbentahan ng R-18 na tabloids.

Layunin din ng panukalang ito na protektahan ang moral integrity ng mga menor de edad laban sa mga malalaswang larawan at kuwento.

“Movies and television programs are strictly reviewed and classified with the end in view of achieving intelligent viewing and protecting our children. By the same token, smutty tabloids should be regulated in such manner as to keep at bay to protect the moral integrity of our children,” ani Hipolito-Castelo.

Samantala, hindi naman nakasaad sa panukala ng kongresista ang criteria para maituring na ang isang larawan o kuwento ay malaswa.

Hindi rin nito binanggit sa kanyang explainatory note ang ahensya na aatasan para sa paglangkas ng rules and regulations sa implementasyon ng House Bill 4733 sa oras na maging ganap na batas ito.

Ipinauubaya rin ni Hipolito-Castelo sa korte ang pagtukoy ng ipapataw na penalties sa paglabag sa mga probisyon ng panukala.