-- Advertisements --

Ipinanukala sa Mababang Kapulungan ngayong 19th Congress ang panukalang batas para sa mga Disaster Risk Reduction Management (DRRM) workers.

Batay sa House Bill 4490 na inihain ng mag-inang Reps. Lani Mercado-Revilla, Ramon “Jolo” Revilla at Bryan Revilla kanilang iginiit na napapanahon nang kilalanin at magkaroon ng batas para sa DRRM workers.

Layon nito na maisulong ang kanilang proteksyon at kapakanan; at mabigyan sila ng nararapat na benepisyo at kompensasyon, para matiyak na mas makakatugon sila sa panahon ng kalamidad at katulad.

Ayon sa mga Revilla, ang mga DRRM worker ay hindi lamang sumasabak sa sakuna, kundi nasubok din ang trabaho nitong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Kapag naging ganap na batas, ang mga DRRM worker ay makakaasa ng “security of tenure” o seguridad sa trabaho, at bibigyan ng nararapat na sweldo.

Maliban dito, sila ay pagkakalooban ng mga benepisyo at kompensasyon gaya ng hazard allowance; transportation, communication at subsistence allowance; longevity pay; laundry pay; at quarters allowance.

Sa ilalim pa ng House Bill, libre ang “medical, mental at psychosocial examination” ng DRRM workers, at dapat mabigyan sila ng personal protective equipment o PPE, kinakailangang bakuna, at prophylaxis.

Sakaling masangkot ang DRRM workers sa aksidente habang ginagawa ang trabaho o kaya’y magsakit sila ay makakatanggap ng kompensasyon bukod pa sa mayroong mandatory insurance coverage at retirement benefits.