Pormal nang inihain ni House Deputy Speaker Rufus Rodriguez ang dalwang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang candidate substitution at ideklarang resigned ang mga elective officials sa oras na maihain na ang kanilang certificate of candidacy.
Ayon kay Rodriguez, layon ng mga panukalang batas na kanyang iniakba na wakasan ang gawain ng ilang political parties at aspirants na dumudungis sa integridad ng halalan.
Sa ilalim ng House Bill No. 10380, ipinagbabawal ang candidate substitution maliban na lamang kung namatay o nadiskwalipika.
Sinabi ni Rodriguez na maaring humantong sa “manipulation” at “mockery” ng election process ang candidate substitution, bagay na dapat hindi aniya payagan na mangyari.
Sa ilalim ng ng Omnibus Election Code, sinabi ng kongresista na pinapayagan ang Comelec na idiskwalipika ang isang aspirant kapag ginagawa nitong katatawanan ang proseso ng halalan.
Samantala, sa ilalim naman ng House Bill No. 10381, layon ibalik ang lumang probisyon sa election law kung saan kinukonsiderang resigned na sa kanyang posisyon sa gobyerno ang sinumang maghahain ng COC.
Sa ganitong paraan kasi ay mapipilitan aniya ang mga aspirants na tumatakbo sa mas mataas na posisyon na seryosohin at ihinto ang pagmanipula at mockery sa electoral process.
Paraan na rin aniya ito upang sa gayon mas maraming tao pa ang maniniwala sa integridad ng halalan.