Lusot na sa House Committee on Trade and Industry ang panukalang magre-regulate sa manufacture, sale at distribution ng vapes, e-cigarettes, at iba pang electronic nicotine at non-nicotine delivery systems.
Ayon sa chairman ng komite na si Valenzuela Rep. Wes Gatchalian, layon ng panukalang batas na ito na masawata ang pagbebenta ng mga iligal na heated tobacco products (HTPs) lalo na sa mga menor de edad.
“We would like to emphasize that this bill will serve to regulate, and not ban, the sale of these products,” paglilinaw ni Gatchalian.
Sinabi ng kongresista na ang Department of Trade and Industry (DTI) ang siyang mamamahala sa sa pagtitiyak sa kalidad ng mga electrical devices na gagamitin sa HTPs.
Sa ilalim ng panukala, tanging 18-anyos pataas lamang ang papayagan na makabili, makabenta, at makagamit ng HTPS.
Nililimitahan din ang flavors na maaring ibenta upang sa gayon ay hindi mahikayat ang mga menor de edad sa paggamit nito.
Lahat ng e-liquid receptacles ay dapat na child-resistant, tamper-resistant, at dapat na hindi kaagad mababasag o masisira.
Inoobliga rin ang mga retailers na berepikahin ang edad ng lahat ng mga mamimili sa pamamagitan nang paghingi sa mga ito ng government-issued ID.
“A person selling or distributing vape and e-cigarette products cannot use as a defense that he/she did not know or was not aware of the real age of the buyer,” giit ni Gatchailan.
Ipinagbabawal naman ang pagbebenta ng mga e-cigaretts at iba pang HTPs sa mga lugar malapit sa paaralan, playground, o iba pang location na pinupuntahan ng mga menor de edad.