Lusot na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukalang “early voting” para sa mga senior citizen at mga person with disabilities o PWDs.
Sa committee hearing na pinagunahan ni Rep. Maximo Dalog Jr., tinalakay ang hindi bababa sa 10 House Bills na pawang nagsusulong ng maagang pagboto para sa mga qualified senior citizens at PWDs tuwing national at local elections sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, makakaboto sila ng pitong araw bago ang nakatakdang petsa ng eleksyon.
Ang mga senior citizen at PWDs ay maaaring bumoto sa mga “accessible” at ligtas na lugar na itatalaga ng Commission on Elections o Comelec.
Sa “Absentee Voting”, ang mga sektor na pinapayagan para sa maagang pagboto ay mga Overseas Filipino Worker o OFWs, at mga media worker, mga guro, at mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, na karaniwanag nagsisilbi tuwing eleksyon.
Nauna nang sinabi ng Comelec na suportado nila ang early voting na ito, lalo’t “doable” ito at mahihimok ang mas maraming senior citizens at OFWs na bumoto.
Sa panig naman ni Senior Citizen Party List Representative Rodolfo Ordanes, ikinatuwa nito ang pag apruba sa panukala.
“Current measures where assistance is given to on election day proper is almost impossible to execute given the sheer number of voters which our Comelec must accomodate,” pahayag ni Cong. Ordanes.