Malaki umano ang matutulong ng panukalang pagpapatupad ng buwis sa mga offsite betting activities sa mga locally licensed na sabungan at derbies na inaasahang aabot ng P1 billion at posibleng gamitin sa COVID-19 response ng Pilipinas.
Sa isang pahayag, sinabi ni AAMBIS-OWWA Partylist Rep. Sharon Garin na maaaring gamitin ang malilikom na buwis para dagdagan pa ang infrastructure projects sa bansa, mas maayos na social service, at palawigin ang indigent health coverage para sa mga Pilipino.
Binigyang-diin din nito na kinakailangan nang tingnan ang bagong revenue stream upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa kasunod na rin ng projection na 8.5 percent hanggang 9.5 percent ang ibababa ng gross domestic product (GDP).
Itinuturing ito ng mga economic managers bilang “worst” annual GDP contraction simula pa noong World War II.
Kailangan aniyang i-maximize ang revenue-generating capacity ng bansa sa pamamagitan ng mga ganitong uri ng aktibidad na hindi naaapakan ang kapangyarihan ng mmga local government units (LGUs) at government gaming agencies.
Noong Martes ay lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 8065, na naglalayong amyendahan ang Section 125 ng National INternal Revenue Code of 1997.
Sa ilalim ng naturang panukala ay aabot ng 5 porsiyento ang tax sa gross revenues mula sa mga offsite betting activities ng mga locally licensed na sabungan at derbies.
Ang mga gaming operators naman ay kinakailangang i-specify ang “Offsite Betting Activities on Locally Licensed Games” sa disclosures at dokumentasyon na hinihingi ngf Bureau of INternal Revenue (BIR), Games and Amusement Board (GAB) at iba pang regulatory government agencies at instrumentalities.