ILOILO CITY – Naniniwala si Iloilo 3rd District Rep. Lorenzo Defensor na maipapasa ng 18th Congress ang panukalang batas na bubuo sa Department of Water Resources.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ng kongresista, na isa sa mga principal authors ng House Bill No. 2514, na suportado ng karamihan sa kanyang mga kasamahan ang panukalang pagbuo ng bagong departamento ang pamahalaan.
Sa ngayon ay hawak pa raw ng Committee on Government Reorganization ang panukalang batas dahil nagkaisa ang mga kongresista na isang panukala na lang hinggil dito ang kanilang didinggin.
Nakasaad sa mga probisyon ng House Bill ang pagco-convene sa kasalukuyang water-related agencies.
Katunayan, sinang-ayunan daw ng mga ahensyang National Water Resources Board (NWRB), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Local Water Utilities Administration (LWUA) at National Irrigation Administration (NIA) ang panukala.