LEGAZPI CITY – Prayoridad ng ilang mambabatas at kasapi ng oposisyon na isumite ang panukalang batas na mag-aamyenda sa kapipirma lamang na Anti-Terrorism Law sa pagbabalik-sesyon ng Kamara.
Kasunod ito ng pagpirma ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas sa kontrobersiyal na Anti-Terrorism Act.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bayan Muna Party-list Representative Carlos Isagani Zarate, sisingilin umano nito ang mga kapwa mambabatas at ilan pang nangampanya sa pagsulong ng batas.
Nilinaw naman nitong hindi na niya ikinabigla ang naging hakbang ng Pangulo mula nang mismong ang chief executive ang nagsertipika bilang urgent sa pagpasa nito.
Itinuturing ng mambabatas na “black day” ang paglagda sa batas habang mistulang nanumbalik din umano ang bansa sa panahon ng Administrasyong Marcos.
Subalit mas mabangis aniya dahil wala naman sa ilalim ng Martial Law habang patuloy na isinusulong ang hindi ayon sa interes at ikabubuti ng mamamayang Pilipino.
Maliban pa rito, naghahanda na rin ang mga abogado sa pagkwestyon ng Constitutionality ng pagsasabatas nito sa Korte Suprema.