Suportado ni Sen. Bong Go ang panukalang batas para matiyak ang proteksyon sa mga tinaguriang freelance workers sa bansa.
Si Sen. Go ay co-sponsor ng Senate Bill No. 1810 o Freelancers Protection Act na layuning mabigyan din ng kaukulang suporta ang mga freelancers gaya ng nakukuha ng mga regular employees.
“It is about time that the law recognizes the importance of the industry and the necessity of ensuring that our freelancers will not be abused,” ani Sen. Go.
Ayon kay Go, napapanahon ang panukalang batas dahil maraming manggagawa ang nawalan ng trabaho sa pagsasara ng mga kompanya sa gitna ng COVID-19 pandemic kaya marami ang gumagawa na lamang ng freelance work.
“Madaming mga kompanya na ang nagsara at madami sa mga kababayan natin ay nahihirapan kumita ngayon. Ang tanging paraan lang nila upang kumita ay ang pag freelance.”
Inihayag ng mambabatas na ang magagawa na lamang ng gobyerno ay tiyakin ang proteksyon ng karapatan at kapakanan ng mga freelance workers.