-- Advertisements --

Tinatrabaho na ng mga kongresista ang mga panukala na layong lumikha ng isang kagawaran para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ngayong 18th Congress, aabot sa 31 ang bilang ng mga panukalang may kaugnayan sa paglikha ng Department of OFWs, kabilang na ang kina House Speaker Alan Peter Cayetano at Deputy Speaker Paolo Duterte.

Sa kanilang opening statements, iginiit ng mga may-akda ng panukala ang pangangailangan ng pagkakaroon ng ahensyang tutuok sa mga kapakanan ng mga OFWs.

Ito ay para anila maiwasan na rin ang pasahan sa pagbibigay ng mga serbisyo sa mga ito, gayundin ang pagtitiyak na napoprotektahan ang karapatan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Para kay ACT-CIS party-list Rep. Nina Taduran, marapat lamang isabatas na ang Department of OFW Bill para matigil na ang pang-aabuso sa mga migrant workers.

At upang masuklian ang mataas na remittances at ambag sa ekonomiya ng mga OFWs, iginiit naman ni Deputy Speaker Vilma Castro ang kahalagahan nang pagtatatag ng Department of OFWs.