-- Advertisements --
cropped Senate 4

Isinusulong sa Senado ang isang panukalang batas para mapanatili sa Office of the Ombudsman ang 30% ng ill-gotten wealth na nakuha mula sa naipanalong forfeiture case ng pamahalaan laban sa mga corrupt o tiwaling opisyal.

Ayon kay Senator Francis ‘’Chiz’’ Escudero na naghain ng naturang Senate Bill (SB) No.292 na layunin nito na madagdagan ang financial sources ng anti-graft body ng bansa.

Iginiit pa ng Senador na ng pondo ng Office of the Ombudsman ay hindi gaanong malaki kung ikukumpara sa alokasyong pondo ng international counterparts nito kung kayat patuloy na hindi nasasawata ang korupsiyon na humantong sa malawakang pagkawala ng kita ng gobyerno.

Sa ilalim ng naturang panukalang batas, mabibigyan ng karagdagang pondo ang Office of the Ombudsman para matulungan ang mga empleyado nito para epektibong magampanan ang kanilang tungkulin at mandato at binigyang diin ang kahalagahan ng kanilang ginagampanang papel sa pagpuksa ng korupsyon sa gobyerno.

Ito ay salig sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 1379, o ang Forfeiture Law.

Aniya ang pag-institutionalize sa fixed percentage sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Section 6 ng RA No.1379 ay gagarantiya ng karagdagang pagpopondo para sa Ombudsman at hindi na kailangang mag-reallocate ng pondo mula sa pambansang pondo.

Nais ng Senador na ma-specify sa batas ang 30% na halaga ng ill-gotten assets na forfeited sa final at executory order ng korte ay dapat na ilaan bilang karagdagang pondo para sa Office of the Ombudsman.

Nakasaad din sa naturang panukala, na kung hindi cash ang nasabing assets, dapat na ito ay ibenta sa public auction at ibibigay sa General Fund pagkatapos makaltas ang 30% para sa Ombudsman

Kasalukuyang nakabinbin ang panukala sa Senate Committee on Justice and Human Rights.