Isinusulong ngayon sa Kamara de Representantes ang P2,000 buwanang subsidya ng gobyerno para sa mga magulang ng mga Children with disabilities (CWD) o batang may kapansanan.
Iminungkahi nina Davao City 1st District Representative Paolo Duterte, Benguet Representative Eric Yap, ACT-CIS Partylist Representatives Edvic Yap at Jeffrey Soriano ang naturang probisyon.
Binanggit sa naturang panukalang batas ang pag-aaral na isinagawa ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa pakikipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagpapakita na ang pagpapalaki ng mga batang may kapansanan ay gumugugol ng 40 hanggang 80 porsiyento para sa kanilang pangangailangan mas mataas kumpara sa mga sambahayang may mga batang walang kapansanan.
Saklaw sa House Bill 6743 ang mga CWD na may edad 21 taong gulang pababa na may pisikal o mental na kapansanan.
Sa ilalim din ng panukalang batas, ipinag-uutos din ang paglikha ng isang database ng lahat ng CWD.
Target na inisyal na alokasyon para sa para sa unang taon ng pagpapatupad ng programa ay nasa P2 billion.