-- Advertisements --

Ipinapanukala ngayon sa Kamara na baguhin ang termino ng mga halal na opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa ating bansa.

Batay sa House Bill 3689 na inihain ni Valenzuela Rep. Rex Gatchalian, nakapaloob dito mula sa tatlong taon na termino, kaniyang isinusulong na gawin itong limang taon ang bawat termino ng mga barangay at SK officials.

Pero bukod sa pagbabago ng bilang ng taon sa pwesto, nais din ni Gatchalian na itakda ang pag-upo ng mga opisyal ng barangay sa dalawang “consecutive terms” sa halip na tatlong termino.

Para ito ay maisakatuparan, pina-aamyendahan ni Gatchalian ang Local Government Code of 1991, at ang Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015.

Paliwanag ni Gatchalian, ang kasalukuyang termino na tatlong taon ay masyadong maikli, at nakaka-apekto rin ang mabilis na pagpapalit ng mga opisyal sa ikatatagumpay ng mga programa at patakaran.

Kaya naman layon aniya ng kanyang panukala na mas mapalawig ang termino upang makatutok sa kani-kanilang responsibilidad ang mga elected official ng mga barangay.

Naniniwala si Gatchalian na ang pagpapalawig ng termino ng mga barangay officials mula tatlong taon tungo sa limang taon, makakatipid umano ang gobyerno sa “election expenditures at resources” at iba pang mga gastos para sa training ng mga bagong set ng opisyal ng barangay at SK.

Sinabi ni Gatchalian, ang “savings” ay maaaring ilaan sa iba pang mga proyekto o pandagdag sa pondo ng mga kasalukuyang programa ng pamahalaan.