Inihain ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan ang panukalang batas o House Bill (HB) No. 8672 na naglalayong lumikha ng isang Department of Corrections and Jail Management (DCJM).
Una ng iminungkahi ni Rep. Yamsuan sa House Committee on Justice ang isang panukalang naglalayong pag-isahin ang fragmented correctional system ng bansa.
Sa kanyang explanatory note sa naturang panukala, sinabi ni Yamsuan na ang paglikha ng DCJM ay ” tutugunan nito ang mga likas na kapintasan sa correctional system ng bansa, tulad ng mataas na congestion rate sa mga kulungan, limitadong resources, mahinang koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno na sangkot sa penal management at ang pang-aabuso at katiwalian na namayani sa National Bilibid Prison (NBP) at sa iba pang penal facility.
Binigyang-diin ni Yamsuan na panahon na para i-centralize ang pamamahala sa mga kulungan sa bansa ng sa gayon magkakaroon ng mataas na efficiency at accountability.
Dagdag pa ng Party list solon, ang pagsentralisa sa management corrections, jail management at probations systems ay mag-streamline sa resource allocation at budgeting na magtitiyak na ang bawat pasilidad ng penal ay magkakaroon ng sapat na pondo upang suportahan ang mga mahahalagang serbisyo na makatutulong sa mas mabuting kalagayan ng pamumuhay at isang mas mataas na pamantayan ng pangangalaga para sa mga Persons Deprived with Liberty (PDLs).









