Isinusulong ni House Committee on Dangerous Drugs Chair at Surigao del Norte 2nd Disrict Rep. Robert Ace Barbers ang panukalang batas na layon isama ang ilang mga kurso sa curriculum ng elementary at high school.
Ang mga nasabing kurso ay ang Environmental Protection, Entrepreunurship, Reproductive Health and Population Control at Drug Prevention.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Cong Barbers kaniyang sinabi na malaking tulong ito sa mga kabataan na magkaroon ng kaalaman sa mga naturang usapin at magkaroon ng positive-mindset.
Sa inihaing House Bill No.5202 o Responsible Youth Act ni Rep. Barbers ipinaliwanag nito na karaniwan sinasabi na ang mga kabataan ang pag asa ng bansa na aniya’y ang kanilang mga pangarap, motivation at determination ay naiiba sa pagsusulong ng nation building.
Nahaharap sa ngayon ang mga kabataan sa maraming panganib at hamon kabilang dito ang drug addiction, teenage pregnancy at kakulangan ng kaalaman sa usaping climate change o global warming.
Naniniwala ang beteranong mambabatas na kailangan ng tamang pag akay sa mga bata ng sa gayon matiyak na sa tamang landas ang kanilang tinatahak.
Dagdag pa nito para magkaroon ng positibong resulta ang mga naturang programa dapat ang content sa teaching modules na gagawin ng DepEd ay angkop sa edad ng mga bata.
Sa pagbabalik sesyon ngayong araw ng House of Representatives balik trabaho na rin ang mga mambabatas, inihayag ni Barbers na prayoridad ng kaniyang komite na ipasa ang mga mahahalagang batas lalo na ang pagpapaigting sa comprehensive dangerous drugs act.