Rep Arlene Brosas
Rep Arlene Brosas
-- Advertisements --

Umaapela si Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na sertipikahang urgent ang panukalang batas na naglalayong bigyan ng 14-day paid leave ang mga empleyado sa private sector sa panahon ng global pandemic.

Ginawa ni Brosas ang naturang pahayag kasunod nang pagpapatupad ulit ng pamahalaan ng mas striktong enhanced community quarantine sa Metro Manila at apat na karating probinsya matapos na nagkaroon ng panibagong surge sa COVID-19 infections.

Ayon kay Brosas, sa harap nang mas strikto na enhanced community quarantine, kung saan apektado ulit ang pampublikong transportasyon, obligado pa rin ang mga manggagawang Pilipino na pumasok sa trabaho dahil sa umiiral na “no work, no pay schemes.”

Bukod dito, may ilan din aniyang wala pang hazard play o inilagay pa sa ilalim ng unpaid forced leave o floating status.

Dahil dito, kailangan aniyang sertipikahang urgent ng pamahalaan ang Paid Pandemic Leave Bill na inihain ng Makabayan bloc upang sa gayon ay makapagbigay ng social safety nets gayong patuloy na pinapasan ng mga manggagawa at ng kanilang pamilya ang kalbaryong hatid nang kawalan nang kita o hanapbuhay.

-- Advertisement --

Dapat aniya ay bilisan ng mababang kapulungan ng Kongreso ang approval sa panukalang batas na ito.

Nakasaad sa ilalim ng panukala na ang mga empleyado na confirmed, probable, at suspected cases ng COVID-19 o ng anumang infectious disease na umabot na sa pandemic status, ay bibigyan ng 14-day pandemic leave.

Kaparehong bilang ng leave din ang ibibigay sa mga empleyado na close contact o mayroong exposure sa confirmed case ng COVID-19 o iba pang infectious disease.

Nabatid na lusot na sa ang panukalang batas na ito sa House committee on labor and development noon pang Disyembre 2020.