Kapwa inirekomenda ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na palawigin pa ng isang taon ang Martial sa buong Mindanao.

Una nang sinabi ng PNP at AFP na ang kasalukuyang sitwasyon sa
Mindanao ang kanilang naging basehan para irekomenda na palawigin pa ng isang taon ang Batas Militar.

Ayon kay Interior and Local Government acting Secretay Catalino Cuy, kaniya lamang isinumite ang naging rekomendasyon ng PNP batay sa isinumite sa kaniya ni PNP chief police director Gen. Ronald Dela Rosa.

Habang sa panig naman ng militar, mga ground commander mismo ang nagrekomenda na palawigin pa ng isang taon ang Martial Law.

Tinukoy ng mga ground commander ang nasabat nilang intelligence report kaugnay sa recruitment ng Islamic State inspired groups sa Marawi at sa iba pang lugar sa bansa.

Batay sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo, ang naging rekomendasyon ng mga ground commander ay direktang ipinaabot kay AFP chief of staff General Rey Leonardo Guerrero.

Ayon sa source, halos lahat ng mga ground commander ay kailangan ng Martial Law para tapusin ang kinakaharap nilang problema sa kani-kanilang areas of responsibility.

Binigyang-diin din ng source na malabo na ipatupad ang Martial Law sa buong bansa.

Mahigpit ding mino-monitor ng AFP ang umano’y alyansa sa pagitan ng mga IS terrorists at ng komunistang New People’s Army.

Ibinunyag pa ng source na bina-validate na ng militar ang nasabing report.