-- Advertisements --

Inihain sa House of Representatives ang isang panukala para sa pagpapatupad ng nationwide curfew para sa mga menor de edad na 17-anyos pababa at pagpapataw ng penalty at pagkakakulong sa mga magulang ng minors na repeat offenders.

Sa ilalim ng House Bill 1016 o ang Nationwide Curfew Act na inihain ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera, pagbabawalan ang mga minors na lumabas o gumala pa sa lahat ng public places mula 10pm hanggang 5am, ito man ay mag-isa o grupo nang walang justifiable reason o legal na dahilan.

Nakasaad din sa naturang panukala na magiging labag sa batas para sa isang magulang o guardian ng isang menor de edad na pahintulutan o walang sapat na kontrol para manatili pa sa labas o anumang pampublikong lugar ang isang minor sa kasagsagan ng curfew hours.

Nakapaloob sa naturang panukalang batas na sa unang paglabag, ang isang minor na mapatunayang lumabag ay ire-refer sa pinakamalapit na barangay hall o police station.

Ang Barangay Council for the Protection of Children (BCPC) ang siyang magsasagawa ng child counseling bago iturn-over ang menor de edad sa kanilang magulang o guardian.

Ang mga magulang o guardians ng first-offenders ay paparusahan ng 48 oras ng community services o multa na P2,000.

Para naman sa second offense, ang mga lumabag na minor kasama ang kanilang magulang o guardian ay kailangang dumalo sa dalawang magkasunod na regula sessions ng counseling na isasagawa ng BCPC.

Ang mga magulang o guardian na minor na lumabag sa curfew ay kailangang mag-render ng 72 hours na community service o multa na P3,000.

Sa third offense naman, ang mga lumabag na minor ay dadalhinsa Department of Social Welfare and Development (DSWD) office na may hurisdiksyon sa locality ng residence ng minor para sa kaukulang counseling at maayos na disposisyon sa naturang isyu.

Ang magulang o guardian ng minor na lumabag ay papatawan ng multa na P5000 o pagkakakulong ng anim na buwan.