
Lusot na sa House Committee on Nuclear Energy ang panukalang batas na nagtatakda ng parusa maliban pa sa civil liability o compensation sa oras na magdulot ang isang nuclear accident ng danyos sa bansa.
Kabilang sa nakapaloob sa House Bill 8623 ang pagkawala ng buhay o pagtamo ng injury, pinsala sa ari-arian, mga gastos na magagamit sa pagpapanumbalik ng nasirang kapaligiran at iba pa.
Kapag isa sa nabanggit ang naidulot na pinsala dahil sa nuclear nakasaad sa panukala ang pagbibigay ng kompensasyon.
Base sa Section 16 ng panukala, ang liability ng operator para sa isang nuclear incident ay katumbas ng P22 billion.
Pagdating naman sa Minimum Financial Security, minamandato ng panukala ang nuclear operators na panatilihin ang insurance o iba pang financial security saklaw ang liability nito para sa nuclear damage.
Ayon kay Pangasinan Rep. Mark Cojuangco na chairman ng Nuclear Energy Panel at isa sa mga nagsusulong na buhayin muli ang Nuclear Power Plant sa bansa na ginagarantiya ng panukala na hindi makakatakas ang operator kung sakaling magkaroon man ng disgrasya sa nuclear power plant.
Ang pag-apruba ng komite sa naturang panukalang batas ay kasunod ng ilang buwan matapos na irekomenda ng International Atomic Energy agency na kung nais ng PH na idagdag ang nuclear energy sa power mix ng bansa dapat munang bumalangkas ito ng isang batas para maprotektahan ang mamamayan at kapaligiran.










