-- Advertisements --

Inirekominda ni House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda na magpatupad ng “Pantawid Family Quarantine” para sa mga residente sa Luzon matapos na ipatupad ng pamahalaan ang enhanced community quarantine dahil sa COVID-19.

Sa kanyang aide memoire na ipinadala sa liderato ng Kamara, iginiit ni Salceda na ang poorest 20 percent ng populasyon ay hindi makakapag-survive sa enhanced community quarantine lalo pa apektado ngayon ang kanilang trabaho.

Ayon kay Salceda, na pinaka-unang nagmungkahing magpatupad ng lockdown para mapabagal ang paglobo ng COVID-19 cases, kalakip dapat ng direktibang higpitan ang galaw ng publiko sa gitna ng kinakaharap na health crisis ay karampatang tulong para sila ay mabuhay.

Kaya ipinapanukala nito na ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Luzon ay mabigyan ng 13-month 4Ps grant, na ibibigay ngayong quarantine period, gayundin ang mga benepisyaro naman ng Unconditional Cash Transfer sa ilalim ng TRAIN Law.

Base kasi aniya sa Family Income and Expenditure Survey, ang lowest fifth ng populasyon ay mayroon lamang ipon na sapat sa loob ng 20 araw o mas maiksi pa.

Gayunman, binigyan diin ni Salceda na tama ang desisyon na magpatupad ng enhanced community quarantine dahil kung wala ito at magkaroon ng mass transmission ay tinatayang aabot sa 4.13 percent ang mawawala sa gross domestic product ng bansa bukod pa sa ilang libong buhay na mawawala.