-- Advertisements --

Magbibigay ng emergency employment package ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga displaced workers sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sa ilalim ng Tulong Panghanap Buhay para sa Displaced Workers (TUPAD), ang mga unemployed at self-employed workers, pati na rin ang mga nagtatrabaho sa non-formal sector tulad ng mga vendors, drivers, at mga kasambahay ay maaring mag-apply sa emergency employment ng kagawaran.

Bibigyan sila ng DOLE ng 10 araw na trabaho na may karampatang sahod, ayon kay Bello.

Sa National Capital Region, aabot sa P537 kada araw, o P5,370 sa 10 araw na pagtatrabaho ang matatanggap ng matatanggap na empleyado sa ilalim ng emergency employment program ng DOLE.

Ayon sa kalihim, maari ring maging eligible sa programang ito ang mga nasa formal sector, na ang income ay nabawasan dahil sa pinaiksing working days o working hours.

Samantala, umapela naman ang DOLE sa Department of Budget and Management para sa karagdagang P2 billion ngayong “fully utilized” na ang kanilang pondo.