Isinasapinal na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang isang proyekto na target nilang ilunsad upang mapaunlad pa lalo ang kabuhayan ng mga mangingisda na nakatira malapit sa West Philippine Sea.
Ang nasabing proyekto, ayon kay BFAR Chief Information Officer Nazario Briguera, ay tatawaging Layag West Philippine Sea.
Sasakupin nito ang mga mangingisda mula sa Ilocos Region, Central Luzon, at MIMAROPA, lalo na yaong mga naninirahan sa mga dalampasigang malapit sa kontrobersyal na WPS.
Ang Layag ay accronym para sa Livelihood Activities to Enhance Fisheries Yield and Economic Gains.
Paliwanag ni Briguera, naglaan ang pamahalaan ng P80Million na pondo para sa nasabing proyekto kung saan isasapubliko umano ng BFAR ang kabuuang nilalaman nito, oras na maaari nang ilunsad ang panibagong livelihood program.
Matatandaang kamakailan ay naging matagumpay ang pagdadala ng BFAR ng mga livelihood tools and equipments sa mga mangingisda na nasa PagAsa Islands. Kinabibilangan ito ng mga fibergalss boats, freezers, at iba pang fishing praphernalia.