Nakapagtala na naman ang Pilipinas ng panibagong mahigit sa 100 kinapitan ng mas nakakahawang omicron subvariant ng COVID-19.
Ayon sa Department of Health (DOH), umaabot sa 104 ang bagong na-detect na highly transmissible omicron subvariants BA.5, BA.4, at BA.2.12.1.
Sinabi ni DOH officer-in-charge Usec. Maria Rosario Vergeire na sa naturang bilang ang 95 mga kaso ay omicron BA.5, nasa pito ang BA.4, at dalawa naman ang bagong kaso ng BA2.12.1.
Sa naturang 95 na bagong BA.5 cases, ang 83 sa mga pasyente ay nakarekober na, lima pa ang nasa isolation, habang bineberipika pa ang pito sa mga pasyente.
Lumalabas din sa record ng DOH na 67 sa mga pasyenteng ito ay nagmula sa Davao region, 25 ang mula sa Cagayan Valley, at tig-isa ang nahawa mula sa Northern Mindanao, Caraga, at sa Metro Manila.
Meron namang pitong pasyente ang nagtataglay ng BA.4 omicron variant pero nakarekober na.
Lima naman sa mga pasyente ang nanggaling sa Soccksargen at ang dalawa ay mula sa Davao region.
Ang mga nabanggit na mga pasyente ay pawang gumaling na.
Sinasabing ang exposure at travel histories ng lahat ng mga pasyente ay hindi pa naman natutukoy.
Una rito, nitong nakalipas na araw ay nakapagtala ang Pilipinas ng dalawang unang BA.2.75 subvariant sa dalawang pasyente mula sa Western Visayas.
Ang subvariant na ito ay binansagang “Centaurus” dahil sa napakabilis nitong makahawa na posible pa raw nalalampasan ang immunity ng isang tao.