Binigyang diin ni Solicitor General Menardo Guevarra na kamalian sa panig ng Beijing ang banggaan sa pagitan ng isang barko ng China Coast Guard at isang bangkang kinontrata ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa karagatan ng Ayungin Shoal.
Ito aniya ay dahil ang mga inisyal na ulat ay nagpapahiwatig na ang insidente ay sinadya.
Ayon kay Guevarra, maghihintay ang OSG para sa isang buong ulat ng pagsisiyasat o imbestigasyon sa nasabing insidente.
Sinabi ng National Task Force for the West Philippine Sea na nangyari ang insidente nang ang dangerous blocking maneuvers ng China Coast Guard vessel 5203 ay nagdulot ng banggaan sa AFP-contracted indigenous resupply boat Unaiza Mayo 2 (UM2) humigit-kumulang 13.5 nautical miles silangan hilagang-silangan ng BRP Sierra Madre.
Sa bahagi nito, sinabi ng China na hinarang umano nito ang lumalabag na barko ng Pilipinas alinsunod sa batas at idinagdag na ang Pilipinas ang may pananagutan sa banggaan dahil sa hindi mapag-aalinlanganang soberanya ng China sa karagatan.
Ayon kay Guevarra, irerekomenda ng OSG para sa Department of Foreign Affairs (DFA) na tawagan ang China na itigil ang paggawa ng mga gawaing nagsasapanganib sa buhay at ari-arian sa pinag-aagawang karagatan.