-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Hindi pa masasabi sa ngayon kung sino ang mananalo sa dalawang tumatakbo sa pagkapangulo Washington D.C., Estados Unidos

Ito ang inihayag ni Asst. Labor Attache Joji Baggao Borromeo ng Washington DC sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan.

Aniya, mahigpit ang laban sa pagitan nina Pangulong Donald Trump at dating Vice President Joe Biden.

Sa ngayon ay unpredictable pa rin ang resulta ng halalan dahil tahimik lamang ang mga tao.

Gayunman, kung ikukumpara naman sa Pilipinas ay mas naninindigan ang mga tao sa kung anong partido ang kanilang sinusuportahan.

Samantala, sinabi ni Borromeo na ang pinakamalaking isyu na ibinabato ngayon kay Trump ay ang COVID-19.

Ito ay dahil sa dami ng mga naitatalang kaso ng virus sa Amerika na hanggang ngayon ay hindi pa nakokontrol.

Kabilang sa mga nakikitang rason kaya parami ng parami ang kaso ng COVID-19 sa Estados Unidos ay dahil sa pagkainip ng mga tao dahil na rin sa tagal na hindi sila nakakalabas.

Bukod dito ay tinutularan din nila ang kanilang presidente na hindi sumusunod sa mga health protocols.

Totoo aniyang nakakalat ang mga testing kits at walang bayad subalit wala namang nagbabago sa mga naitatalang kaso.

Dahil dito, pinangangambahang bago matapos ang taong ito ay aabot na sa dalawang daang libo ang mamamatay sa Amerika dahil nagsisimula na ang panahon ng winter.